ANG TIPAN NG PASKO

ATING HANDOG NA PAG-ASA

Isang Pantay na Istraktura ng Pandaigdigang Rehiyonalismo

Iglesiyang Panlahat Sa Iisang Misyon 

“ Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo'y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos.  May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat. “   Efeso 4 : 1 - 6

Dahil sa kagandagang-loob ng Diyos, kahit sa kalagitnaan ng  mga nararanasang pagsubok at hamon sa iglesiya at sa buong mundo, tayo ay patuloy na  nagiging bahagi ng katawan ni Kristo, nagpapaalala na tayo ay mas higit na  magmahalan  gaya ng pagmamahal Niya sa atin. Ang pag-aalay ng pantay-pantay na pagpapala ay higit na maipapahayag sa isang iglesiyang naitatag sa pamamagitan ng pagkamakatarungan at paggalang sa isa’t-isa. Kami, na pinagkatiwalaan ng mga salita ni Hesu-Kristo, ay inaanyayahang ipagbunyi ang masaganang pagpapala ng Panginoon sa pamamagitan ng  pagpapatibay ng ating pagkabautismo, kinikilala ang pagkakaiba ng ispiritwal na handog at ministeryo, nagsusumikap na magkaroon ng iglesiya na kung saan ang bawat tao at rehiyon ay pantay, at sama-samang matapat na nakikilahok sa misyon ng Panginoon. Tayo ay humaharap sa ‘di mabilang na mga hamon, ngunit buo ang katiyakan ni John Wesley sa kanyang ipinahayag sa harapan ng maraming saksi, ” Ang pinakamabuti sa lahat ay sumasaatin ang Panginoon ”, sa katotohanan, walang anumang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos.

Ang Ating Pananaw:

Pinapangarap at inaasam namin ang iglesiyang may kaugnayan sa buong daigdig, sabayang pakikisali sa mga misyon, gumagalang sa konteksto ng bawat ministeryo, ipinagbubunyi ang pagkakaiba-iba ng mga nilikha ng Panginoon sa marami nitong magagandang kapahayagan, at pinahahalagahan nitong pare-pareho ang makapangyarihang relasyon upang mapagtibay ang pundasyon ng ating  misyon ng pagbabahagi ng ebanghelyo, pagiging alagad, at mga saksi ng lipunan sa mga pagbabagong nagaganap sa ating  mundo.

Ang Ating Gabay Na Prinsipyo:

Ang ating pagbununyi sa ngalan ng pagkapantay-pantay at  pagtutulungan, hinango natin ang ating prinsipyo mula sa mga simulaing pinahahalagahan ng United Methodist mula sa iba’t-ibang rehiyon ng ating  mga kaugnayan sa mundo.

Tayo ay mga anak ng Diyos.

Sinasabi ng ating United Methodist Social Principles, “ Kami ay naniniwala na ang ating pangunahing pagkakakilanlan ay tayo’y mga anak ng Diyos….Ang simbahan ay naghahangad na  ganap na pagyakap at pangangalaga sa kabuuang kultura at kagalingan bilang iisang katawan, na ipinahayag sa napakaraming  pamamaraan (2016, ¶161.a). Na isaalang-alang ang isa’t isa bilang kapatid na may pantay-pantay na karapatan na siyang maging pangunahing pangkatauhang pagpapahalaga na sinasangayunan ng ating pananampalataya bilang mga  Kristyano. “ Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griyego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus “ ( Galatia 3:28). Sa pagpapahalaga sa ating pagkakaiba bilang pagkapantay-pantay, ito ang ating sagradong tipan- nakaangkla sa pagpapala na ibahagi sa isa’t -isa ang kalayaan na ipamuhay ang mga turo ng Panginoon  alinsunod sa iba’t- ibang konteksto ng pagmimisyon.

Ubuntu.

Ito ay isang konseptong Aprikano na nagsasabi ng isang pamamaraan ng buhay na kung saan ang sangkatauhan ay nakabatay sa pagkakaunawaan, pagtutulungan, at buhay ng komunidad. Ito ay kinikilala na tayo ay nilikha na kawangis ng ating Panginoon at kinakailangang gawin natin sa iba ang ninanais nating gawin din sa atin. Ipinahayag ni Bishop Desmond Tutu ng Timog Aprika, “Ang masidhing katotohanan ay hindi ka magiging tao nang ikaw lamang… nagiging tao ka dahil nakikilahok ka sa mga ugnayan. Sinasabi na ang isang tao ay tao sa pamamagitan ng ibang tao. Ito ang aming sinasabi. Ito ang sinasabi ng Biblia. Ito ang itinuturo sa atin ng ating mga karanasan bilang tao.”

Bayanihan.

Ito ay pinahahalagahang sinaunang konseptong pangkomunidad at pagtutulungan ng mga Pilipino upang makamit ang  mga layuning pangkomunidad. Nanggaling sa salitang “bayan”, na ang ibig sabihin ay nasyon o komunidad, ang Bayanihan ay tradisyunal na naipapamalas sa pamamagitan ng ating matibay na pagsuporta ng komunidad sa mga pamilyang ninanais na lumipat. Ang mga tao sa baryo na may kakayahan pang magbuhat ay sama-samang binubuhat ang bahay na gawa sa pawid at kawayan at ililipat ito sa bago nitong lokasyon, lalung -lalo na sa kapanahunan ng paparating na masamang panahon tulad ng bagyo, pagbaha at pagguho ng lupa.  Bibihira na ito sa kasalukuyang panahon, ngunit ang espiritu ng bayanihan ay patuloy na nag-aalab sa mga puso ng mga Pilipino kapag sila ay kumikilos bilang isang komunidad na umaalalay sa bawat isa lalo na sa panahon ng pangangailangan, kahit sa panahong mukhang imposibleng isagawa ito.

Ating ipinagbubunyi ang mga simulaing ito habang nagpapasiya tayong  magtayo at payabungin ang isang iglesiyang ng-ugat sa  komunidad, isang simbahang tumatanggap at  naninindigan sa sagradong kahalagahan ng lahat ng anak ng Diyos at  palalawigin ang marangyang  kagandahang-loob sa pagkalinga sa kabutihan nila, matapat na pagtratrabaho upang mailayo sila sa anupamang kapinsalaan.

May mga gumagambala at pumipinsala man sa ating mga pinapahalagahang ito,  at sa ating mga isinasagawang pagmimisyon, at may mga panawagan man na  bubuwagin ang United Methodist Church, ang mga naturang plano ay mapaminsala sa katawan ni Kristo ganundin sa  mga taong sumasampalataya at nagnanais na makipag- ugnay at mamuhay nang magiliw sa ganitong kaugnayan. Tayo, gayunpaman, ay nirerespeto ang panig ng ating mga kapatid na kung saan sila ay naghahangad na magministeryo ng hiwalay at kaagapay  ng The United Methodist Church.

Ang Ating Mga Pinapahalagahan:

Pinanghahawakan ng buong ingat ang tensyon ng pagkakaiba  at pinapasan ang dalahin ng isa’t isa sa pamamagitan ng pagmamahal, sa ganiting diwa ating inaasam ang mga bagong pamamaraan ng ating relasyon sa United Methodist Church. Isusulong natin ang mga pagpapahalagang ito na napasailalim sa ating mga mungkahi:

1200x800_Unity_Hands_CrossFlames.jpg

Paggalang sa natatanging konteksto sa iba’t-ibang dako ng mga gawain at ministeryo

. Ito ay ayon sa layunin, istruktural at magkakaugnay na pagsisikap na nagpapahayag ng tapat na pamamahala ng misyon ng Panginoon sa nag-iiba at nagbabagong mundo. Ang ganoong paggalang ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa na ang ating iglesiya ay naghahangad na makahanap ng angkop na pagpapahayag ng minesteryo sa iba’t- ibang konteksto. Ang pagsasagawa sa ibang pamaraan ay pinagyayaman din ang mga relasyon.

 
rooted.jpg
 

Magkakaugnay na relasyong nag-ugat sa mga misyon.

Ang ating pagkakaisa ay hindi para lamang sa kapakanan ng pagkakaisa ngunit para rin sa mabisa at mabungang pagpapahayag ng ebanghelyo - hihikayatin ang lahat na makipag-ugnay sa isang mapagmahal na relasyon sa Diyos at sa kapwa. Tinatanggap natin at pinagtitibay ang sagradong halaga ng lahat ng anak ng Diyos at niyayakap ang lahat na nakikilahok sa pagtatayo ng pinakakamamahal nating komunidad ng Panginoon.

UM_Books_1200x800.jpg

Lehislatibong pagkapantay-pantay ng mga pang-rehiyong bahagi ng simbahan.

Isang makabuluhang katotohanan ang pagkakaiba-iba ng konteksto ng ating ministeryo. Ang sama-samang pagpapatupad ng misyon ng ating simbahan ay mapapaigting at mapapatibay kung ating kilalanin ang pagkakaiba ng ating konteksto. Inaasahan din natin ang pantay-pantay na pagsasakatuparan ng komperensyang pangrehiyon o ng anumang pangrehiyong isrtraktura na binuo ng General Conference upang mabigyang pansin ang ating kontekstong pangmisyon.

Ang Ating Paanyaya:

Tayo ay mas lumalakas kapag magkakasama. Bilang nagkakaisa sa misyon na ipinagbubunyi ng global church, ang ating pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba ay may positibo at matibay na  epekto nito sa magkakaibang konteksto  na ating kinakatawan. Habang  patuloy na nagiging pagsubok ang pagkakaiba-iba, hindi kami naniniwala na ang pagbuwag ang siyang tamang paraan upang maghilom ang mga sugat  na nagdulot ng matinding pasakit sa  katawan ni Kristo. Ang tunay na global church ay tapat sa kamalayan ng sama-samang pagmimisyon na sumasaklaw sa pagkakaiba at pinapahintulutan ang natatanging sariling pagpapasiya. May kakayahan din na tumuklas ng karaniwang katwiran sa paninindigan kung paano natin gawin nang mas mabisa at mabunga ang ministeryo sa mga pinaglilingkuran nating lugar.

Kinikilala na ang magkakaiba nating konteksto ay nangangailangan ng iba’t-iba ring solusyon na nagsisilbing mas mabuting paraan sa pagsulong at pinagyayaman nito ang  pagtutulungan at pagkakaisa. Sa landas na ito, nagkakaroon ng mas malakas na paninindigan na nagpapatotoo sa tunay na diwa ng global community. Ang pagpapapala ng Diyos ay nananatili sa lahat ng dako at sa bawat isa. Tinawag tayo upang tumugon nang may pagpapakumbaba sa kanyang mga biyaya at ito ang ganap sa pagkakilanlan sa kanyang maraming pagpapahayag at dakilang pagkilos sa buong mundo. Sa paanyayang ito, magagawa natin ang pinakamabuti kung sama-sama tayo.

Ang Ating Panukala:

Sa gabay ng mga nabanggit na mga prinsipyo, pagpapahalaga, at pagkilala na kailangan natin ng bagong pamamaraan  upang magkaroon ng karampatang relasyon ang bawat isa at para sa mas ikabubuti ng pagtupad at pagsasagawa sa misyon na ipinagkatiwala sa atin ng ating Panginoong Hesu-Kristo, ating sinusuportahan ang kasalukuyang lehislasyon:

  • Magtatag ng 5 bagong Episcopal Areas sa Africa na napagpasyahan noong 2016 General Conference. Ito ay panukala na nagmula sa Standing Committee para sa Central Conference Matters.

  • Magtatag ng United States Regional Conferences batay sa panukala ng Connectional Table ( nasasaklawan ng Christmas Covenant legislation ang nakalakip sa panukalang ito)

Aming  ipapanukala ang mga sumusunod na hakbangin, mga pagbabagong konstitusyon, at pagbabago ng legislasyon sa ating Book of Discipine:

  • Magtatag ng mayabong at pantay na istrakturang komperensyang panrehiyon para sa United Methodist Church na kung saan ay babaguhin nito ang kasalukuyang Central Conferences na maging Regional Conferences, at ang pagbuo ng Regional Conference para sa simbahan sa Amerika.

  • Sa pagpapatibay ng bagong istraktura ng Regional Conference, ang General Conference ay magpapahintulot ng pag-aaral upang mapabago at pagbutihin ang bagong istraktura ng Regional Conference upang mapagtanto ang kabuuang pagkapantaypantay sa  pagitan ng mga rehiyon.. Ang pag-aaral ay isasagawa ng Connection Table at ng mga Standing Committees on Regional Conferences sa Amerika at sa buong mundo. Isang pag-uulat, kabilang ng mga mungkahi, ay ihaharap sa 2024 General Conference para sa pagsasakatuparan at nararapat nitong mga proseso.

Mga PDF dokumento na magagamit para sa pag-download

Mag-click sa link upang mag-download

  1. Panimula sa Pakikipagtipan sa Pasko